malungkuting bulate

ang kalungkutan ay isang bulate. sumusulpot sa tag-ulan ng iyong buhay,at sa tag-araw, akala mo'y wala. yun pala'y nagtatago lang sa ilalim ng lupa...bumabaon...lumalalim...

Thursday, July 20, 2006

listahan


Salamat sa
Swiss Miss milkshake,
hopia,
tsokolate,
pelikula,
poetry,
trance at house,
pancit,
Chuck Palahniuk -
mga bubog
ng basag kong kaligayahang
araw-araw pinupulot.


 

             
              
                                                                                 20 october '05
                                                                                 thursday
                                                                                 8.46 pm
                                                                                 cvg ortigas

 


*photo by BlueBlack; from www.deviantart.com/deviation/14798434/



ang aking payong





 


Naglalakad ako sa EDSA
nang biglang pumatak
ang ulan
ulan
ulan
ulan
naging
baha
baha baha
baha baha baha
Naalala ko bigla,
may payong nga pala ako!
Sa loob ng backpack!
Kaya't
binuksan ko ang aking payong,
sumakay ako sa payong ko,
ginawa kong bangka,
ngunit...
dahil sa ang payong ko ngayon ay bangka,
at patuloy pa rin sa pagpatak ang
ulan
ulan
ulan
at wala na akong iba pang payong,
para gawing payong,
napupuno ng tubig-ulan ang aking bangkang payong
kaya't ako'y unti-unting
lumulubog
lumulubo
lumulub
lumulu
lumul
lumu
lum
lu
l
.


 


                                               18 oct '05
                                               Tuesday
                                               5.40 pm

Tuesday, January 31, 2006

tiyope



Tinanong mo ako minsan: Ano kaya ang pakiramdam ng patay?
Hindi ko alam, sagot ko, kasi hindi pa ako patay.
Gusto ko sanang sabihin sa iyo: Hamo, pag patay na ako, dadalawin kita at sasabihin ko sa iyo,
Kaso, takot ka naman sa multo.


Tinanong mo ako minsan: Ano kaya ang pakiramdam ng umiibig?
Kahit ipaliwanag ko sa iyo, sagot ko, hindi mo rin maiintindihan kasi hindi ka pa umiibig
Gusto ko sanang sabihin sa iyo: Hamo, pag sinagot mo ako, ipararamdam ko sa iyo,
Kaso, takot naman ako sa multo ng pag-ibig.




18 oct '05
Tuesday
12.57 am
videoke bar in cubao






*photo words_like_violence_by_Miss_Freak_of_Nature; from http://www.deviantart.com/deviation/20742775/

AYOKONG GUMAWA NG TULA TUNGKOL SA KAPE: ISANG TULANG TULUYAN TUNGKOL SA KAPE


Sabi ko, di ako gagawa ng tulang tungkol sa kape. Kasi, lahat na yata, may tula tungkol sa kape, kung paanong ang lahat ng makata, lahat ng gustong maging makata, at lahat ng nagpapanggap na makata ay may tula tungkol sa pag-ibig, dagat, langit, bangungot, anghel, kamatayan. Kung paanong ang lahat ng kanto'y may 7-11, lahat ng kanto'y may AMA o STI, at nalalapit na ring lahat ng kanto'y magkaroon ng Starbucks. Kung paanong ang lahat ng Starbucks ay may makata, gustong maging makata, o gustong magmukhang makata na makikita mong nagsusulat sa tissue ng Starbucks gayong nandun naman ang makinis at mabango nilang journal na nakabukaka katabi ng isang baso ng kapeng may makipot na bukana.

Ito ang kape ng Starbucks, gayundin ng Seattle's Best, Figaro, Gloria Jeans, at ng iba pang kapihang nagpapanggap na Starbucks, Seattle's Best, Figaro, at Gloria Jeans - nasa tasang papel na nadadamitan ng karton at may makipot na bukana sa tuktok, na kung tutuusin, ang bukana naman talaga nito'y nakabisaklat, nakabukaka, mas maluwang at mas malapad pa kesa puwet nito. Pinakipot lamang ng plastik na pantalukbong sa tuktok na may bukanang tila bibig ng mahinhing dalaga o kaya'y puwerta ng mahinhing dalaga, o kaya'y butas ng puwet ng nagpapanggap na mahinhing dalaga.

Sabi ko, hindi ako gagawa ng tula tungkol sa kape. Kasi, lahat na yata, may tula tungkol sa kape. Kaso, naalala kita bigla. Para ka kasing kape ng Starbucks - nasa recycled na kinalalagyan, may recycled na saplot, may bisaklat at bikangkang na bukana pero nagpapanggap na makipot. Pero tangina, pag hinigop na ang iyong laman, kahit na puno ka pa ng kapaitan at may maasim na aftertaste, ang aroma mo nama'y may kalmot at sipa pa ring nagpapagising sa akin buong magdamag.



17 oct '05
Lunes
11.53 pm
Starbucks Shang

sex at patis


GRAC...Aray!

Tagaktak ang pawis ng mokong at hindi magkandatuto sa pag-ihip sa balikat. Tumagas ang mapulang dugo mula sa letrang C, gumuguhit at tinatahak ang kanyang braso, patungo sa kanyang siko. Dali-dali niyang binuksan ang drawer ng tokador na nasa kanyang harapan at pinagana ang kaliwang kamay sa pagbubulatlat ng mga laman nito habang dakut-dakot ng kanan ang kaliwang balikat na medyo namamanhid na sa sakit.

Notebook...buklat. Gunting...buklat pa. Panyo...halukay. Brief...halukay uli. Aba, daig pa niya ang kuripot nilang kapitbahay sa paghalukay kapag nasa bargain sale ito. Shades.. nandito lang pala’ng lintik na shades na ito na matagal na niyang hinahanap. Tatlong cassette tapes...anak ng... Nasaan na ba ang punyetang bulak na iyon?


Hinablot niya ang drawer at ibinuhos ang laman noon sa sahig. Sumuka ang drawer – may mga nilamukos na papel, balat ng Piattos na nilalanggam na, mga abubot na mukhang basura na, at isang holen na may kalakihan na gumulong papunta sa ilalim ng kama. Natutuyo na ang mga bakas ng dugo sa kanyang braso’t siko pero pinagkaabalahan pa rin niyang habulin ang holen na talaga namang may sentimental value sa kanya. Bigay pa yata ito sa kanya noong maliit pa siya ng kanyang lolo na lagi niyang kalaro noon. Sumalangit nawa.

Dakot pa rin ng kanyang kanang kamay ang kaliwang balikat. Bahagyang naampat na ang pagdurugo nito. Tumuwad siya para silipin ang gumulong na holen sa ilalim ng kanyang kama. Putangina ka! Nandyan ka lang palang bulak ka! Hindi niya alam kung matutuwa siya o mayayamot sa pagkakita sa bulak. Hinablot niya ang pakete ng bulak at kinuyom na maigi na paraan ng kanyang paghihiganti rito dahil sa pagtatago nito sa kanya. Nagtungo siya sa harap ng salamin ng tokador at hinarap ang namamaga na nitong balikat. Nakalimutan na niya ang holen. Dinampot niya ang alkohol at…syet! Nadumog niya ang bote ng India Ink na katabi lamang ng bote ng alkohol. Bumuhos ang laman nitong itim na tinta, dumaloy sa tokador at pinaliguan ang mga laman ng kanyang drawer na nakakalat sa sahig. Ahhh…Bahala ka na! Hindi na niya pinansin pa iyon. Mas mahalaga ang balikat niya sa oras na iyon.

Binasa ni Manny ng alkohol ang bulak at hinagod ang siko, ang braso, paakyat sa balikat, tinutunton ang mga bakas ng natuyong dumaloy na dugo. Kumuha pa siya ng bulak at muling binasa iyon ng alkohol. Puro dugo ang balikat niya. Halos hindi makita ang mga letra. Dinampian niya ang balikat at lumabas ang letrang G. Dampi uli. Letrang R. Isa pa. A. Dampi pa. Aray! Sariwa pa pala ang letrang C. Hinayaan na lang niya ito. Pinagmasdan niya ang mga letrang nasa kanyang balikat. GRAC. Kulang pa ng E. Di bale, kapag magaling na ang C ay isusunod na niya ang E. Kahit masakit, okey lang, basta para sa iyo Grace.

Pumihit siya patagilid sa harap ng salamin at binaluktot ang kaliwang braso para mas maaninag niya ang pangalang naka-tattoo sa kanyang balikat. Mahigit isang linggo na niya itong tina-tattoo gamit lamang ang karayom ng kanyang nanay at India Ink na gamit niya sa Drawing class. Dalawang araw kada letra. Installment, parang sa bumbay. Medyo masakit pero kaya niyang tiisin. Inililis niya nang husto ang manggas ng kanyang kamiseta upang mas makita niya nang maayos ang kanyang tattoo sa salamin. GRAC. Parang nakikita niya ang reaksiyon ni Grace. Medyo nahihiya pero tuwang-tuwa. Parang nararamdaman niya ang malalambot nitong daliri na hinihimas ang mga letra ng kanyang pangalan sa kanyang balikat. Naroong pisilin pa nang bahagya ang kanyang mga masel sa balikat. Si Manny naman, aaray kunwari at sasabihing medyo sariwa pa ang tattoo. Siyempre pa, magso-sorry si Grace at muling hihimasin ang kanyang balikat, hihipan ang tattoo, dadampi-dampian ng kanyang maiinit na mga labi ang mga letra upang maibsan ang sakit. Nakadama ng kiliti si Manny sa bandang ibaba.

Naghubad ng kamiseta si Manny at pinagmasdan sa salamin ang nagingintab sa pawis niyang hubad na katawan. Pinabukol niya at pinatigas ang mga bubot na masel na animo’y isang body builder at pinagmasdang maigi ang bulas sa salamin. Kahit paano’y may epekto rin ang pa-push-up push-up niya tuwing umaga, bagamat patago niya itong ginagawa sa loob ng kuwarto dahil nahihiya siyang makita ng mga kasambahay. Hindi niya alam kung bakit siya nahihiya gayong wala namang masama rito. Siguro, nahihiya siyang malaman ng kanyang kasambahay na conscious na siya sa kanyang pangangatawan at hitsura. Pero bakit nga siya nahihiya? Ah, ewan. Talaga yatang sa ganoong edad ay mas maraming katanungan kaysa sagot.

Bahagya siyang nagulat nang makitang tinutubuan na siya ng manipis na balahibo sa dibdib. Ganito rin ang naramdaman niya nang unang tubuan siya ng bigote’t balbas. Gulat na excited na may kahalong kaba. Hinaplos niya ito at nangiti. Pakiramdam niya, lalaking-lalaki siya – macho at napaka-sexy. Humanda ka Grace. Hindi nag-iisa ang mga balahibong iyon. Unti-unting bumaba ang kanyang mapaglarong mga daliri mula sa mga balahibo sa dibdib patungo sa mga balahibo sa pusod. Gandang-ganda siya rito. Ang sexy ring tingnan. Nagmumula ito sa ilalim ng pusod pababa sa … Hinubad niya ang shorts at brief upang masdan sa salamin kung saan natatapos ang mga balahibong iyon. Hindi na nga siya bata. Makapal na ang mga talahib na kumukubli nang bahagya sa mamang magagalitin. Kung pagmamasdan ang kanyang mukha ay mapagkakamalan mong bata pa siya pero kung ibang ulo ang pagbabasehan ay may ibubuga na rin siya. Nag-init ang kanyang mga tenga at bumilis ang tibok sa kanyang dibdib. Naramdaman niyang nagtayuan ang kanyang mga balahibo at kung ano pang dapat tumayo. Nagalit na naman ang mama.

Kinuha niya ang ruler sa ibabaw ng kama. Muli siyang humarap sa salamin upang pagmasdan ang hubo niyang pagkatao. Minsa’y narinig niya ang mga kamag-aral niyang lalaki na nag-uusap. Ang kay Jun daw ay 7.5 inches samantalang 5 inches lang daw ang kay Rico. Buong pagmamalaki naman si Mark dahil 8 daw ang sa kanya at 2.5 ang diameter. Gusto niyang mainggit pero alam niyang hindi totoo iyon. Lalaki rin siya. Alam niyang kapag ipinagmalaki ng lalaking 8 inches ang dala niya, bawasan mo ito ng one inch o higit pa at iyon ang talagang sukat. Susukatin rin niya ang dala niya para malaman niya kung maipagmamalaki niya ito o kung kailangan pa niyang magsinungaling. Hinanap ni Manny ang markang 0 at itinapat sa … Manny!

Si Nanay! Dali-dali niyang itinaas ang shorts at brief. Baka makita siya ng nanay niya. Bumilis ang tibok ng kanyang puso at nagsulputan ang butil-butil niyang pawis sa katawan. May naramdaman siyang umurong sa bandang ibaba. Manny! Isa pang sigaw mula sa nanay niya sa silong ng kanilang bahay. Bumaba na raw siya at tulungan sa assignment ang kapatid niya. Ano raw ba ang ginagawa nito sa kuwarto. Napalunok si Manny. May tono ng pagkayamot at pasigaw rin ang naging kasagutan nito. Gumagawa ng assignment, ano pa? Ano pa ba’ng gagawin niya doon?

Kinabukasan.

Noong una’y lakad lang, naging mabilisang paghakbang, hanggang sa mauwi sa pagtakbo. Kulang na lang ay lumipad siya. Bakit kasi walang traysikel. Tiyak na pagti-tripan na naman siya ng kanyang propesor dahil late na naman siya. Hindi niya kasalanan. Maaga siyang nagising, lamang ay nagtagal siya sa paliligo. Inabot yata siya ng kuwarenta’y singko minutos. Kasalanan ng sabon, madulas kasi, masarap ipahid sa katawan.

Aakyat na sana siya sa ikalawang palapag ng pangunahing gusali ng kanilang kampus kung saan ginaganap ang una niyang klase nang mamataan niya mula sa bintana ng kantina si Grace na umiinom ng softdrink. Tumigil siya sa pag-akyat sa hagdan at naupo sa ikatlong baitang nito, paharap sa kantina. Kakawayan sana niya si Grace, ngingitian man lamang, kaya lang ay hindi siya nito napapansin. Napabuntong-hininga si Manny sabay kapit sa balustrade ng hagdan habang pinapanood si Grace kung paano ito uminom ng softdrink. Kitang-kita niya mula sa kinauupuan kung paano laruin ni Grace ang straw. Nilalaro ng kanyang hintuturo ang dulo ng straw, hinihimas ang matalim na butas nito. Matapos hagurin ang straw ay nilabas-masok niya ito sa botelya. Pauli-ulit niyang ginagawa ito hanggang sa bumula ang laman nitong likido, saka isusubo ng mala-talulot niyang mga labi ang straw at marahang hihigupin ang laman.

Napalunok si Manny at parang natuyuan siya ng lalamunan. Tumayo siya mula sa pagkakaupo para lapitan si Grace pero muntik na siyang mahulog sa hagdan nang biglang mag-iba ang tagpo ng kanyang panoorin. May isang kumag na di niya alam kung sang planeta galing ang naupo sa tapat ni Grace, sinaluhan siya ng mesa. Hindi lang mesa ang pinagsaluhan nila kundi pati softdrink. Isinuksok ng lalaki ang dala nitong straw sa softdrink ni Grace at sabay nilang hinigop ang laman ng botelya. Halos magdikit ang kanilang mga labi at magkiskisan ang kanilang mga ilong sa ginagawang pagsasalo. Nagkakatawanan pa ang dalawa at tiyak na nagkakapalitan na ito ng laway. Anak ng… ang sweet naman nila.

Hindi na pumasok pa si Manny sa una niyang klase na inaabot din ng halos dalawang oras. Nawalan na siya ng gana at tinamad na ring pasukan pa ang mga sumusunod. Napakasakit para sa kanya ng kanyang nasaksihan. Pakiramdam niya’y sinampal siya sa magkabilang pisngi na may kasama pang batok. Nainsulto ang kanyang pagkalalaki at para bang niyurakan nang husto ang kanyang ego. Akala ko ba’y mag-MU na silang dalawa? Di ba’t lagi pa nga siyang nginingitian ni Grace kapag nagkakasalubong sila sa corridor? Akala ko ba’y … hay naku, puro akala. Bakit kasi ang lalaki, mangitian lang ng crush, ang iniisip agad ay pumapayag na itong maikama. Makawayan lang ng chick, akala ay nakikipag-flirt na ito. Pinaraos niya ang sama ng loob sa pamamagitan ng pagyoyosi sa ilalim ng punong mangga sa likuran ng pangunahing gusali ng kanilang kampus.

Mga limang minuto ang nakalipas.

Dumarating ang tatlong mokong – sina Rico, Mark, at Jun. Siguro, tapos na ang first subject nila. Sinulyapan ni Manny and suot na relos upang mapagtibay ang kanyang hinuha. Oo nga, mag-aalas diyes na. Papalapit sa kanya ang tatlo niyang kamag-aral na tulad ng dati ay nakangisi habang nag-uusap ng kalibugan. Talking dicks nga ang tawag niya sa tatlong ito dahil sa sobrang hilig. Para bang ari lang ang organ nila at wala nang iba. Tinapik siya ni Mark sa binti na paraan nito ng pagbati. Tango naman ang isinagot ni Manny. Patuloy sa kuwentuhan ang tatlo, paminsan-minsa’y tumitingin kay Manny na ang ibig sabihin ay kasali siya sa usapan. Pinagkukuwentuhan ng tatlo ang kanilang naging karanasan sa babae.

Si Mark at Jun, 3rd year high school pa lang daw ay nakatikim na ng buhay na laman samantalang si Rico naman daw ay nitong first year college na. Si Rico daw, nakakana ng virgin. Masakit din daw pala kahit sa lalaki; di lang daw pala babae ang nasasaktan. Si Mark, ang kapitbahay daw nilang pokpok. Halos magdeliryo daw siya sa sarap dahil sa galing ni pokpok. Aba, paanong di gagaling e hobby ba naman ang pakikipagtalik. Si Jun naman daw, ang dati niyang girlfriend. Magaling daw kumanta at nagma-muscle control pa. Napakunot-noo si Manny at napatahimik lamang subalit naglalaro ang kanyang imahinasyon dahil sa mga narinig. Hindi niya alam kung totoo ang pinagsasasabi ng tatlo o kung puro eksaherasyon lamang. Hindi siya makasabat sa usapan, puro tango lamang dahil wala pa siyang karanasan. Sa madaling salita, virgin, bokya.

Pero nanliit siya at hindi matanggap na tila napag-iiwanan na siya. Siya pa na isang lean mean sex machine! Disinuebe na, wala pa ring karanasan? Nabaling ang usapan kay Manny. Siya daw ba, anong edad na de-virginize, tanong ni Jun. Napapitlag si Manny, nangangapa ng isasagot. Tumuwid siya sa pagkakaupo, taas-noo at sabay sagot na first year high school pa. Parang nanginginig ang pagkasabi niya noon at bahagyang papapiyok pa. Natigilan ang tatlo at tinitigan siya na para bang hindi makapaniwala o hindi matanggap kaya na naunahan pa sila ni Manny. Pinagpawisan nang malapot si Manny nang mapagtanto niyang sa kanya lahat nakatuon ang mga mata ng tatlo. Naku, mukhang namali siya ng sagot a. First year high school, ibig sabihin ay 13 years old. Napakabata pa nga at talagang hindi kapani-paniwala. Ni hindi pa nga siya tuli noon at wala pa siyang balahibo. Di bale, pangatawanan na. Dangal at pagkalalaki na ang nakataya dito, sa isip-isip ni Manny.

Si Rico naman ang nagtanong. Kung totoo raw ang sinasabi niya, ano daw ba ang napansin niya sa amoy ng hiyas ng babae. Parang gustong maiyak ni Manny. Eh kung makakita nga nang personal ay hindi pa niya nararanasan, makaamoy pa kaya. Sa mga magasin at x-rated na pelikula buti pa, pero makakita nang harapan at buhay na buhay … Napapangiti ang tatlo. Pakiramdam niya ay isa siyang kriminal na ini-interrogate ng mga imbestigador na kapag namali siya nang sagot ay umaatikabong basagan ng bungo ang mangyayari. Amoy, amoy, ano ba ang amoy ng lintik na iyon? Amoy bibingka?

Hagalpakan ng tawa ang tatlo. Halos mapaluha pa at kapusin ng hininga si Mark sa katatawa. Ang dalawa naman, hawak pa ang tiyan. Eeeenggg … patay, buko!

Walang nagawa si Manny kundi umamin sa krimen niya na pagiging birhen pa. Nasukol siya ng tatlo. Guilty as charged. Gustong gumanti ni Manny kaya’t ibinalik niya sa kanila ang tanong. Sige nga, ano ba talaga ang amoy ng pagong ni Haring Solomon? Buong-buo ang tinig ng tatlo at sabay-sabay pa sa pagsagot. Amoy patis, ano pa?

Patis? Si Manny naman ang halos mapaluha sa katatawa. Ayaw maniwala ni Manny sa narinig. Parang nainsulto ang tatlo. Para daw mapatunayan ni Manny na totoo ang sinasabi nila, bakit daw hindi siya umamoy. Natigil sa paghalakhak si Manny. Panahon na raw para mabinyagan siya. Hindi na raw siya bata at kumukunat na raw ang balat niya. Pero paano? Sino? Sila na raw ang bahala roon. Sabi ni Mark, sagot na raw nila tutal naman ay pinakopya niya ang mga ito sa prelim exams nila. Mamaya, pagkatapos ng klase nila, maka-alas siyete ng gabi sa may motel sa kanto, doon maghihintay ang una niyang karanasan. Payag daw ba siya? Tatanggi ba naman si Manny sa grasya?

Simula ng oras na iyon ay hindi na mapakali si Manny. Hindi na niya naintindihan pa ang mga itinuturo ng kanilang propesor. Ni hindi na nga niya napapansin ang propesor nila. Iniisip niya ang mangyayari mamayang gabi. Hindi siya hinihiwalayan ng kaba at sabik at lagi siyang tulala. Ang tatlong kumag naman, panay ang tukso sa kanya. Panay nakangisi at sinesenyas ang numerong pito sa daliri o kaya’y ibibilog ang daliri at aamuyin at pagkatapos ay didilaan habang sila’y nagkaklase.

Patis, patis, patis. Amoy patis nga kaya? Parang mababaliw si Manny kaiisip. Naiinip na siya at sana ay alas siyete na ng gabi. Parang gusto na niyang batakin ang araw papalubog upang maggabi na. Ang oras naman ay tila nanunuya, para bang lalong nagpapakabagal at ayaw nang tumakbo sa tingin ni Manny. Iniisip niya ang gagawin niya mamaya upang mapaligaya ang babaeng bubunuin niya. Pilit niyang inaalala ang mga posisyong napanood niya sa mga x-rated tapes at nakita sa mga pornographic magazines, kinakabisa. Tama, ganoon ang gagawin niyang mga posisyon.

Sumasayaw ng mapanuksong sayaw ang babae sa harapan niya sa saliw ng tugtuging Macarena, isa-isang nagtatanggal ng suot habang si Manny naman ay nakaupo sa gilid ng kama at siyang-siya sa tanawin. Maganda ang babae, hawig kay Beth Tamayo at halos ka-edad lamang niya. Maganda ang hubog nito at makinis ang balat, maputi. Unang tinanggal ng babae ng blusa. Patuloy pa rin ito sa pagsayaw. Wala itong suot na bra kaya’t bumulaga ang maindayog nitong kambal na bundok na may mamula-mulang tuktok. Lumabas na ang bundok, tiyak na susunod na ang kaparangan. Hinubad na rin ng babae ang suot nitong shorts na halos hanggang singit na sa sobrang igsi. Tumambad ang puti nitong panty na gawa sa sutla na kasing linaw ng tubig-dagat sa tag-araw kaya’t halos wala na itong nagawa para takpan ang kaakit-akit at nakakapaglaway na sorpresa para sa kanya. Dahan-dahan itong lumapit kay Manny, inabot ang dalawang kamay nito at inilagay sa puwit niya habang patuloy ito sa paggiling. Unti-unting inilalapit ng babae kay Manny ang dala nitong panukso habang kumekembot, idinadaiti sa mukha niya.

Hinubad ng babae ang natitirang saplot kaya’t tutok na tutok kay Manny ang langit. Inilabas ni Manny ang dila at inihanda ang ilong. Amoy patis nga kaya? Dahan-dahan niyang inilapit ang mukha sa pisngi ng langit hanggang sa dumaiti ang dila sa … tapik. Isa pang tapik sa balikat.Si Mark! Nagulat si Manny. Tapos na pala ang klase nila at mag-a-als siyete na. Ngayon na pala. Oras na.

Naiwan si Manny sa harap ng medyo nabubulok nang motel habang pumanhik ang tatlo para siguruhing dumating na ang kinontak nila para sa kanya. Mabuti na lang at tago ang motel kaya’t walang makakakita sa kanya. Mga tatlong minuto lang siguro ang lumipas nang dumating na ang tatlo. Handa na raw ang lahat, bayad na. Wala na raw siyang gagawin kundi bumayo na lang. Binigyan siya ni Mark ng proteksiyon at binilinan na huwag niyang kalilimutang alamin ang amoy. Room number 3 at good luck, sabay layas ng tatlo na nag-iwan ng umaalingawngaw na halakhak.

Hindi nahirapan si Manny sa paghanap sa sadyang kuwarto sa liit ng motel. Hinawakan niya ang seradura ng pinto at handa na niya itong pihitin nang bigla siyang datnan ng kaba. Paano kung pangit ang babae? Paano kung gurang na? Paano kung hindi siya tigasan? Paano kung wala talagang tao sa loob at niloloko lang pala siya ng tatlo? Paano kung ipagkalat nila Mark ang pangyayari at malaman ng nanay niya? Bahala na.

Humugot muna siya ng isang malalim na hininga na sinamahan ng ga-bundok na lakas ng loob at saka binuksan ang pinto. Tumambad sa harap niya ang isang napakaliit na kuwarto na ang tanging laman ay isang kama at isang maingay na bentilador na nakapatong sa bangko. Natutuklap na ang pinturang puti sa dingding nito at puro sulat pa ng pentel pen. Sa gilid ng kama ay may nakaupong babae. Nakaharap ito sa maliit na bintana ng kuwarto at nakatalikod sa kanya kaya’t di niya makita ang mukha. Panay ang buga nito ng usok ng sigarilyo. Pinagmasdan ni Manny ang nakatalikod na babae. Hindi seksi pero hindi rin naman mataba o payat. Puwede na.

Isinara niya ang pinto. Nagsalita ang babae pero hindi pa rin ito humaharap. Itinatanong kung siya si Manny. Oo, sagot niya. Shit, nanginginig na naman siya. Nakakahiya, baka malamang first time pa lang niya. Maghubad na raw siya, sabi ng babae.

Humarap ang babae at naghubad ng bestida. Bestida lang pala ang suot. Nanlamig si Manny at pakiramdam niya ay sasabog ang puso niya sa bilis ng tibok. Medyo maganda ang babae, kahit na hindi hawig kay Beth Tamayo. Siguro’y nasa beinte sais na ito at makinis sana kung hindi lamang dahil sa ilang kamot sa hita. Naghubad si Manny at itinambak nito ang damit kasama ang bag sa tabi ng bentilador. Laking tuwa niya nang malamang nakatayo ang mama. Nawala ang isa sa ikinatatakot niya. Malaki rin daw pala, sabi ng babae. Nawala ang kaba ni Manny sa narinig at muling nanumbalik ang tiwala nito sa sarili. Para bang orasyon ang papuring iyon para bigyan siya ng lakas ng loob.

Bahagyang nagpaka-kaswal si Manny, lalo pa’t naibsan na ang kanyang kaba. Nagawa nitong itanong sa babae kung ano ang pangalan nito habang papalapit siya rito. Nakahilata ang hubad na katawan ng babae sa kama subalit patuloy pa rin sa paninigarilyo. Sinagot niya ang katanungan ni Manny ng isa ring tanong: “Virgin ka pa ano?”

Natigilan na naman si Manny. Nawalan ng bisa ang orasyon. Hagilap siya ng isasagot. Bakit ba napakahirap sagutin ng tanong na iyan samantalang napakasimple lang naman. Oo o hindi lang ay ayos na. Siyempre pa, tumanggi itong si Manny, sabay lunok ng ga-bolang laway na naipon at bumara sa kanyang lalamunan. Balik na naman ang tambol sa kanyang dibdib habang ang babae ay ngingiti-ngiti. Huwag na raw siyang magkaila dahil sa tagal daw niya sa propesyon na iyon ay kabisado na niya ang mga lalaki. Ligaya na lang daw ang itawag nito sa kanya, na dinugtungan pa nito ng maigsi ngunit malutong na halakhak.

Katahimikan. Walang nagsasalita kundi ang maingay na bentilador.

O, ano pa raw ba’ng tinatayo-tayo niya. Isang oras lang daw ang bayad sa kanya, hindi na pwedeng tumawad. Bawal sa puwit, bawal halikan sa bibig, puwede ang kalmot pero hindi ang sabunot dahil mahirap mag-ayos ng buhok, libre ang blow job at hand job pero hindi puwedeng gumamit ng laruan. Puwede na rin daw sa kanya kahit na walang goma, tutal naman daw ay virgin pa siya. Anong goma? Kondom, tanga! Huwag na raw siyang mahiya dahil hindi na raw ito virgin. Wala na raw virgin sa katawan niya – lahat ng butas na puwedeng pasukan ay napasok na. Itinapon ni Ligaya ang yosi sa bintana, umayos ng higa, inilagay ang unan sa likod ng balakang, at saka ibinuka ang mga hita.

Nanlambot ang mga tuhod ni Manny sa bumulagang tanawin sa kanya. Hirap na hirap siya sa paghakbang patungo sa kama. Para bang napakabigat ng kanyang mga paa. Inabot yata siya ng dalawang minuto sa pagpunta sa kama gayong halos isang metro lang ang layo niya rito. Pilit niyang inaalala ang mga routine at posisyong kanina lang ay kabisa niya. Biglang na-blangko ang kanyang pag-iisip. Parang tinakasan siya ng kanyang pag-iisip.

Pumatong si Manny kay Ligaya at sinimulan itong halikan sa leeg. Natawa si Ligaya. Gusto muna raw palang maglaro ni Totoy, pero bakit raw siya namumutla at nanlalamig? Tawa uli. Hindi siya pinansin ni Manny, patuloy pa rin ito sa paghalik at pagdila sa leeg ni Ligaya. Balak niya sana itong paliguan ng laway mula ulo hanggang paa sa pamamagitan ng kanyang dila pero bakit nanunuyo ang kanyang bibig?

Bumaba nang bahagya si Manny. Binaybay ng dila niya ang masikip na daan sa gitna ng dalawang mapuputing bundok. Naramdaman niyang napaliyad si Ligaya, medyo nadadala na rin. Nasiyahan si Manny kaya’t dinala niya ang dila sa kanang dibdib habang ang kaliwa naman niyang kamay ay pinaglalaro sa kaliwa. Umungol si Ligaya at nagulat si Manny, gayunma’y napangiti ito sa paniniwalang napapaligaya niya ng kapareha sa pamamagitan lang ng mapaglaro nitong dila. Paano pa kung ang mama na ang maglaro?

Parang lalagnatin si Manny. Hindi siya makapaniwala sa nangyayari. Parang panaginip ang lahat. Mabilis ang tibok ng kanyang puso, pati ng kanyang ugat. Sumasakit ang kanyang singit. Muli siyang bumaba at dumako sa tiyan. Umungol na naman nang napakalakas si Ligaya pero hindi na siya nagulat. Ilang hakbang na lang at nasa bukid na siya. Amoy patis nga kaya? Sinabunutan ni Ligaya si Manny, dinakot ang buhok at binatak ang ulo pataas, pinababalik ang dila ni Manny sa kanyang leeg. Kinuha ni Ligaya ang kanang kamay ni Manny at isinubo ang kanyang hintuturo, pinaglalaro sa bibig. Ang kaliwang kamay naman ni Manny ay nauna na sa bukid, hindi makapaghintay.

Malikot din pala ang galamot ni Ligaya, maurirat sa aparato. Dinakot nito ang kanina pang naghihimagsik sa galit na katipunero. Nakakatatlong hagod pa lang si Ligaya nang makaramdam na ito ng dulas sa palad. Basang-basa ito ng mainit at malagkit na likido. Itinulak niya si Manny sa labis na inis kaya’t halos mahulog si Manny sa makitid na kama. Ang bilis naman daw niyang matapos gayong siya’y nagsisimula pa lang. Pumayag si Ligaya na umisa pa si Manny pero magsuot na raw ito ng goma dahil madali raw pala siyang magkalat. Eh, makakaisa pa ba siya, tanong ni Ligaya.

Hindi makasagot si Manny sa labis na kahihiyan. Sa halip ay tinungo niya ang pantalon upang kunin ang kondom. Binatak niya ang pantalon at kinapkap ang kondom subalit nagkalaglag ang mga baryang laman ng bulsa nito, nagkalansingan at gumulong sa ilaim ng kama. Napabuntong-hininga ang babae sa pagkairita. Tinangka niyang pulutin ang mga barya pero pinaalalahanan siya ni Ligaya na malapit nang matapos ang isang oras kaya’t iniwan na lamang ni Manny ang mga barya na nagkalat sa sahig.

Isinuot niya ang kondom sa muling nanunumbalik na pagkabuhay ng katipunero na may bakas pa ng lungad habang pinapanood siya ng kapareha. Umakyat siya ng kama para ituloy ang naudlot na laro. Nasan na ba siya? Tama, sa tiyan. Muli nitong pinaglaro ang bibig sa tiyan ni Ligaya na para bang walang nangyari. Habang pababa siya nang pababa ay painit ang painit ang pakiramdam niya, pasarap nang pasarap. Amoy patis nga ba? Bumaba pa siya, sa pusod. Eh ang bukid kaya? Amoy patis nga kaya? Heto na!

Blag! Bumalabag ang pinto pabukas na sinabayan ng sigaw na “Raid!”. Agad dinampot ni Manny ang pantalon, dinamba ang sapatos, kamiseta, at bag, saka walang kalingon-lingong tumalon sa bintana upang tumakas.

Halos mahuli na siya ng mga pulis kanina kung hindi lamang natigilan at natulala ang mga ito sa pagkakita sa hubad na katawan ni pokpok. Napakabilis ng mga pangyayari. Ang mahalaga ay nakatakas siya. Halos madapa si Manny sa ginawang pagtakbo palayo sa motel. Mabuti na lang at magkakapatong ang mga gamit niya kaya’t madali niya itong nadampot, lamang ay nakalimutan niya ang brief niya. Habang daan ay isinusuot niya ang pantalon, kamiseta, at sapatos. Buti na lang at walang gaanong dumaraang sasakyan o tao sa bahaging iyon.

Nilakad niya ang daan pauwi sa kanilang bahay sapagkat ang tangi niyang pera ay ang mga barya na nahulog pa kanina sa motel nang kinukuha niya ang kondom. Iika-ika siya sa paglakad, naipitan yata ng ugat ang paa niya sa ginawang paglundag sa bintana.

Dinatnan niya ang kanyang nanay at bunsong kapatid na naghahapunan na. Dumating na daw pala siya. Bakit daw ginabi siya? Hindi na nagawang sagutin ni Manny ang katanungan ng kanyang ina. Tumakbo agad ito sa banyo nang may maramdamang kakaiba sa kanyang pundilyo. May sumasakal sa kanyang alaga. Ang kondom!

Dali-dali niya itong tinanggal at ibinulsa sa pantalon dahil sa hindi niya maisip kung saan niya ito itatapon. Nakalimutan pala niya itong tanggalin sa labis niyang pagmamadali. Lumabas siya sa banyo na tuliro at pinagpapawisan. Naulinigan niya ang kapitbahay nila na nakikipagkuwentuhan sa kanyang nanay. Ni-raid daw pala ang motel dyan sa may kanto, kuwento ng kapitbahay nila. Namutla si Manny at nanlaki ang mata. Parang papanawan siya ng ulirat. Napansin siya ng kanyang ina. Bakit daw namumutla siya at pawis na pawis? May sakit daw ba siya? Saan daw ba siya nanggaling? Ang mabuti pa raw ay bumili muna siya ng patis, sa kanila maghahapunan ang kanilang kapitbahay, dagdag ng kanyang ina. Patis? Tuluyan nang pinanawan ng ulirat si Manny.

Thursday, December 01, 2005

haiku of christian virtues



I. FAITH

A plover bird
enjoys its meal of the day
picking the gator's teeth.


II. HOPE

A sunflower
bows under the moonlight
anticipating the dawn.


III. CHARITY

A leaf
gnawed by a caterpillar
hosts its cocoon.



*photo: Protect_me_1_by_MR_PIOPIO from http://www.deviantart.com/deviation/21254868/

Thursday, November 17, 2005

irony













halik ng punglo sa kanyang bungo
ang nagbukas ng sarado niyang ulo, sa wakas;
sayang lang at hindi na rin siya makapag-iisip nang maayos -
kumalat na kasi ang kanyang utak sa sahig at dingding.


19 sept 05
monday
6.24 am




*photo, saturday_night_fever_by suzi9mm; from http://www.deviantart.com/deviation/10913002/

Wednesday, October 26, 2005

bagong bihis (?)


pinatay ko na si Britney Spears,
saka ko pinakawalan ang Incubus mula sa baul upang umatungal sa kanyang libing.


ang mga Mulawin at si Darna, kahit napamahal na sa akin, hinayaan ko na ring makalipad;
kailangan ko na rin kasing subaybayan ang "teleserye ng totoong buhay".


ang dingding ng aking kuwarto, pininturahan ko ng itim;
masakit na sa mata ang dati nitong kulay na seafoam green (at itim naman kasi talaga ang paborito kong kulay).


long hair, long beard, long face - yan ang porma ko ngayon;
at marahil, pag nagkita tayo, hahanapin mo ang naka-long sleeves na ako at sasabihing:


"Nagbago ka na, nagbagong bihis ka na."
sasagot ako: "Hindi ako nagbagong bihis. Hinubad lamang kita."




15 sept 05
5.00 pm
thursday





*artwork by bionic7 from www.deviantart.com/deviation/15240141/

dear mr. humanus arrogantus


isang letra lang
ang ipinagkaiba
ng tao sa tae
at sa bandang huli
kapwa'y magiging pagkain
ng mga uod
na siyang tunay na nagmamay-ari
ng lupa
kung saan lahat ay hahantong.









14 sept 05
7.28 pm
wednesday





*photo by blueblack; from www.deviantart.com/deviation/19148971/

mukhang guilty




Tama ang iyong ginagawa,huwag ka nang kumibo
Nakahalukipkip ka man sa pagkakaupo diyan
sa sulok,
Ang mga binti mo nama'y aligaga sa pagkuyakoy
Ingatan mo't baka sila'y kumawala, magpanakbuhan
sa kani-kaniyang direksiyon
At ang iyong noo't nguso, dumanas ba ng kalat-
kalat na pag-ambon?
O baka naman may pilit kang inilulubog sa iyong
kalooban kaya't umaapaw na ang tubig sa iyong katawan?
Ang iyong mga mata, nagpapaalala sa akin ng mga
mata ni Ate Guy sa pelikulang "Himala"
Ikaw ba'y nakakakita rin ng aparisyon, o sadya lang
idolo mo si Ate Guy?
Tama ang iyong ginagawa,huwag ka nang kumibo
Di pa man naghihiwalay ang iyong mga labi,
bingi na ako sa ipinagsisigawan ng iyong mga kilos.




14 sept 05
5.15 pm
wed



Monday, September 12, 2005

nokturnal na tipanan






sa gabi, ang dilim ay parang itim na arnibal
na bumubuhos
at tayo, isang pares ng langaw na dito'y nabibighani,
tumitikim, nadidikit, hanggang sa 'di na makalipad
ang malapot at matamis na katas ng gabi, pinupunan ang
mga puwang sa pagitan ng ating katawan,
pinupuno ang kawalang naghihiwalay sa atin sa mga
dingding ng silid
kay bagal ng bawat nating kilos
pero ang ating hininga, di mahabol ng mga kamay
ng orasan
sana, huwag nang dumating ang umaga
sapagkat sa pagsikat ng araw, tutuyuin nito ang dilim
kung paanong ang arnibal ay pinalalabnaw ng pagsundot
ng apoy, pinasisingaw
muli, magkakaroon ng puwang sa pagitan ng ating katawan,
ika'y lilipad palayo, babalik ang kahungkagan sa paligid
at ang tanging iiwan ng natuyong itim na arnibal, sunog
na asukal na kay pait.





25 aug 05
thursday
5.45 pm






*photo by siameseBelle; from www.deviantart.com/deviation/17996974/

prelude to paghihiwalay




mga butil ng kani'y nangangatal sapagkat nahahamugan
sa hapag ng hapunan
sa katre nama'y may naglalambong na kawalang-kibong tila
isang telang pinalulundo ng mga sinipsip na luha;
paminsan-minsa'y pinagtatangkaang punitin ang tela
subalit pagninisnis lamang ang kayang gawin ng tikhim
at buntong-hininga
naghihilom na rin ang mga paltos ng ashtray at ang telepono,
nagtikom na ng kanyang mga labi
samantala, sa bawat sulok ng silid, ang mga gagamba'y
nagsisimula nang humabi ng agiw.





10 aug 05
wednesday
6.12 pm




*photo by BlueBlack; from www.deviantart.com/deviation/8888422/

paghihintay






ang buhay ay isang bingo card na natatantusan
ng maliliit na piraso ng paghihintay.

bago tayo isilang sa liwanag, tayo'y isinisilang
sa dilim;
ito'y kailangan nating ipaghintay ng halos siyam
na buwan.

ang nanay, naghihintay ng uha sa gabi bago
pasusuhin o kaya'y palitan ng lampin ang sanggol;
sa gabi ng buhay ng nanay, maghihintay siya sa pagpatak
ng awa at pagsahod ng oras ng anak niyang pinasuso
na siya ngayong sa kanya'y magpapakain at magpapalit
ng lampin.

labinlimang minutong naghihintay ang isang mamimili sa
supermarket bago mabayaran at matikman ang isang
piraso ng tsokolate;
labinlimang araw naman ang ipaghihintay ng kahera bago
matikmang muli ang de-latang Maling.

ang may kanser, naghihintay ng katapusan;
ang bilanggo, naghihintay sa kawalan.

ang buhay ay isang bingo card na natatantusan
ng maliliit na piraso ng paghihintay;
minsan, ang mga tantos ay balangkas ng jackpot
minsan, ang mga tantos ay pabigat lamang sa
card para hindi liparin ng hangin sa ilang.



28 july 05
thursday
7.45 pm







*art by art by AquaSixio; from www.deviantart.com/deviation/9996821/

pamilyariti






minsan, tayo'y naghahanap ng mga bagay
na pamilyar.

ang isip nati'y humahabi ng lohikal na
konklusyon mula sa abstraktong konsepto,
kung paanong ang mata'y tumutungkab ng tiyak
na balangkas mula sa masalimuot na biswal.

tumunganga ako sa nagsisiksikang mga ilaw
ng Kamaynilaan, naghahanap ng pamilyar
na konstelasyon
subalit mga mata ko'y tinarak ng liwanag ng mga
bumbilya bago ko pa ma-ispatan ang Northern Cross.

dumungaw ako sa bintana at pinaglakad ang aking
paningin sa gitna ng dumaraang mga tao upang
hanapin ang aking ina sa matandang babaeng may
tangang supot, ang aking ama sa pulubing nakasalampak
sa bangketa, ang Diyos sa sorbeterong may tuwalyang
nakasampay sa balikat
ang natagpuan ko'y bumbunan, batok, braso, sapatos.

tinangka kong bumuo ng pamilyar na pangalan sa mga
taeng hugis letrang nakalutang sa inidoro
pero ako pala'y tinatakasan ng pangalan kapag
tinitibi.

kinuha ko ang panimulang letra sa bawat pangungusap
ng bawat talata ng headline sa tabloid, nirambol,
upang tumuklas ng natatagong mensaheng maghahayag
ng lihim ng piramide o kaya'y ng mga obra ni Da Vinci
pero sino'ng niloloko ko?

paggising ko nang umaga, natagpuan ko ang hinahanap kong
pamilyariti sa hubad na katawan ng estrangherong
nakahilata sa aking kama.


27 july 05
wednesday
8.48 pm





*art by AquaSixio from www.deviantart.com/deviation/10612362/

Monday, August 29, 2005

para sa iyo, sleeping beauty (ang mortal kong kaaway)



tinangka kong ika'y ikulong
sa salakab ng aking machismo
at sa iyo'y makipagbuno
na-underestimate kita-
ang akala kong goldfish, naging
isang dambuhalang isda
ako'y nilunok mo nang buo
magmula ngayon, ako'y tawagin
mo nang Jonas.

pero di tulad ni Jonas,
nais ko nang magtayo ng palasyo
sa loob mo
sa tuktok ng tore, doo'y kakampay
ang puting bandila
(kay tamis ng pagkatalo kung
ikaw ang kalaban!)
tatayo ako sa tore at ihahayag ang
mga sugat na aking tinamo-
mga kalmot ng kuko sa aking likod
at mga kagat sa aking leeg at dibdib
ang mga ito ang magsisilbi kong
medalya ng katapangan.

ngayon, ika'y nahihimbing sa
king size na dagat,
na kanina'y nagsilbi nating arena
ang dambuhalang isda, isa nang goldfish
na tila lango sa pormalin;
walang kibot sa lambat ng antok
nais ko sanang muling lumusong,
sukatin ang lalim ng arena
upang sa susunod, ako naman
ang manakop
subalit baka ika'y magising
at aaminin ko, ako'y hindi pa
handa sa muling pagkatalo
nanlalambot pa ang aking mga tuhod.


26 july 05
tuesday
7.10 pm


*photo by =neeta; from www.deviantart.com/deviation/688175/